Fri, 03 Jul 2020

P250-M ikinasa ng LandBank para sa 'study now, pay later' program

Philippine Information Agency
03 Jun 2020, 18:38 GMT+10

LUNGSOD PASIG, Hunyo 3 (PIA) -- Inaprubahan na ng Land Bank of the Philippines (LandBank) ang P250-milyong loan sa ilalim ng P3-bilyong credit assistance fund nito na nakalaan para sa mga pribadong paaralan na sasali sa "study now, pay later" scheme sa pagbabayad ng matrikula ng mga mag-aaral na apektado ng COVID-19 pandemic.

Sa Laging Handa Public Briefing ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), ibinalita ni LandBank president at chief executive officer Cecilia Borromeo, na ang naturang loan na inaprubahan ng bangko ay para sa isang malaking pribadong eskwelahan na sumali sa ACcess to Academic Development to Empower the Masses towards Endless Opportunities o ACADEME program ng bangko.

"Meron na hong mga paaralan na lumapit sa LandBank, katunayan meron na kaming in-approve na P250 million sa isang malaking school," pahayag ni Borromeo.

Sa ilalim ng ACADEME program, ang LandBank ay magbibigay ng credit funding sa mga private school at non-DepEd high schools, mga private technical-vocational and education training (TVET) institutions, at private higher education institutions o HEIs.

Hatid ng programa, ang mga qualified borrower ay maaaring mangutang nang hanggang 70% ng kabuuang katumbas na halaga ng kanilang promissory note, na ibinigay ng magulang o guardian ng estudyante sa loob ng isang semester. Ang loan ay may pataw na 3% interest rate kada taon, na dapat bayaran sa loob ng tatlong taon.

"Ibibigay po namin itong pangutang na ito sa mga schools para makapag-offer sila ng 'study now, pay later' sa kanilang mga estudyante. Ang magiging borrower o manghiram mula sa LandBank ay ang mga pribadong paaralan or educational institutions," ani Borromeo.

"Ang mga magulang at guardian ng ating mga estudyante o mag-aaral ay maaring manghiram sa mga private schools na ito para 'yung mga schools naman na 'yan ay pupunta sa LandBank at ipa-rediscount nila 'yung mga promisory notes ng kanilang mag-aaral," dagdag pa niya.

Magugunita na nanuna nang iniutos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa LandBank na umasiste sa mga mag-aaral at pamilyang tinamaan ng lockdown dahil sa COVID-19. (PIA NCR)

Sign up for Athens News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!